Monday, July 5, 2010

ARALIN 2: Sanhi at Epekto ng Suliraning Pangkapaligiran sa Asya


ARALIN 2: Sanhi at Epekto ng Suliraning Pangkapaligiran sa Asya

Sa Mataas na Paaralang Nasyonal ng Cainta, Habang ang mga mag-aaral ay naghihintay sa kanilang guro…

Arnel: Mga Kaklase, Handa na ba kayong mag-ulat ngayon?

Jonathan: Aba, oo. Napakaganda nga ng ating paksa ngayon.

Arnel: O, hayan na si Ma’am huwag na kayong maingay, ssshhh…

Bb. Maliksi: Magandang hapon sa inyong lahat! Handan a ba kayo sa ating aralin ngayon?

Mga Mag-aaral: Handang-handa na po!

Bb. Maliksi: O sige, ang ating paksa ngayon ay ang Heograpiya ng Asya. Narito ang isang mapa. Carlos, pumunta ka rito sa harapan at ituro mo ang Asya. Sabihin ang mga nakapaligid na bansa, sa gawing hilaga, timog, kanluran at silangan. Magaling! Ano ngayon ang masasabi mo sa Asya, Alma? (Pupunta sa harapan ang mag-aaral at susundin ang sinabi ng guro.)

Alma: Ma’am, napakalawak po ng kalupaan sa Asya. Bukod pa rito, ayon sa nabasa ko, napakalaki rin ng populasyon nito.

Bb. Maliksi: Oo tama ka. Pero alam ba ninyo na ang Asya ay hindi ligtas sa suliraning pangkapaligiran? Iyan ang pag-uusapan natin ngayon. Kahapon nagkaroon kayo ng brainstorming session at pinag-usapan ninyo ang mga sanhi at epekto ng suliraning pangkapaligiran sa Asya. Ngayon naman ay gusto kong marinig ang inyong pag-uulat tungkol sa resulta ng talakayan sa inyong pangkat. Handa na ba kayo?

Mga Mag-aaral: Opo!

Bb. Maliksi: O sige, pakinggan natin ang unang pangkat.

Mag-uulat ng Unang Pangkat: Natuklasan po namin na isa po sa mga sanhi ng suliraning pangkapaligiran sa Asya ay ang pagpuputol ng mga puno. Kung hindi po ito mahihinto, tuluyan ng makakalbo ang ating kabundukan. Mawawala rin ang mga endangered na hayop at halaman. Wala na ring mga ugat na pipigil sa erosyon ng lupa. Dadalas ang pagbaha’t masisira ang mga ari-arian ng mga tao. Mamamatay ang mga halaman, hayop, at mga tao. Sanhi nito, marami ang maghihirap.

Bb. Maliksi: Very Good! Talagang mahuhusay kayo. Tingnan natin ang ikalawang pangkat.

Mag-uulat ng Ikalawang Pangkat: Ma’am, isa pa po sa mga sanhi ng suliraning pangkapaligiran ay ang polusyon sa hangin. Kung hindi masasawata ang pagbubuga ng maruming usok ng mga sasakyan at pabrika, mabubutas po ang ozone layer at masisira ang balanse ng atmospera. Marami ang magkakasakit sa balat at sa baga. Mabaho na rin ang paligid dahil sa basura. Masangsang na rin ang mga estero. Nakasusuka ang amoy ng mga nabubulok na basura.

Bb. Maliksi: Oo nga, hindi ba iyan talaga ang nararanasan natin ngayon lalo na sa kamaynilaan.

Mag-uulat ng Ikatlong Pangkat: Ma’am bigyang pansin din natin ang mga anyong tubig. Ang mga karagatan, ilog at lawa ay napakarumi na dahil sa mga basura at kemikal na itinatapon dito, kaya nangamamatay ang yamang tubig. Narinig na ba ninyo ang madalas na pagkakaroon ng red tide? Sanhi iyan ng polusyon.

Bb. Maliksi: Ano bang uri ito ng polusyon?

Mag-aaral: Polusyon po sa tubig.

Bb. Maliksi: Oo, tama. Masakit isipin na tao rin ang sumisira ng kapaligiran. Ano naman ang maidaragdag ng ikaapat at ikalimang pangkat? Tingnan natin.

Mag-uulat ng Ikaapat na Pangkat: Ma’am ang sa amin po ay mungkahi. Siguro talagang dapat itong bigyan ng pansin ng mga pinuno ng mga bansang sangkot at lalong higit ng bawat isang mamamayan.

Mag-uulat ng Ikalimang Pangkat: Talagang dapat nilang tutukan ang problemang iyan! At alam ba ninyo, kung hindi sila kikilos ay baka dumating ang araw na magsuot ng gas mask ang lahat ng tao.
Wala nang makapaliligo sa mga ilog. At dahil sa sobrang init, wala nang mabubuhay na mga puno. Bilang wakas ng aming ulat, pakinggan natin ang awit na “Masdan Mo ang Kapaligiran” ng grupong Asin.

Masdan Mo ang Kapaligiran

I
Wala ka bang napapansin
Sa iyong kapaligiran
Kay dumi na ng hangin
Pati na ang mga ilog natin.

II
Hindi na masama ang pag-unlad
At malayu-layo na rin ang ating narating
Ngunit masdan mo ang tubig sa dagat
Dati’y kulay asul ngayo’y kulay itim.

III
Ang dumi nating ikinalat sa hangin
Sa langit huwag nating paabutin
Upang kung tayo’y pumanaw man
Sariwang hangin sa langit ating matitikman.

KORO
Mayroon lang akong hinihiling
Sa aking pagpanaw sana ay tag-ulan
Gitara ko ay aking dadalhin
Upang sa ulap nalang tayo magkantahan.

IV
Ang mga batang ngayon lang isinilang
May hangin pa kayang matitikman
May mga puno pa kaya silang aakyatin
May mga ilog pa kayang lalanguyan?


V
Bakit di natin pag-isipan
Ang nangyayari sa ating kapaligiran
Hindi na masama ang pag-unglad
Kung hindi nasisira ang kalikasan

VI
Darating ang panahon
Mga ibong gala ay wala nang madadapuan
Masdan mo ang mga punong dati ay kay tatag
Ngayo’y namamatay dahil sa ating kalokohan

VII
Lahat ng bagay na narito sa lupa
Biyayang galing sa Diyos kahit na noong ika’y wala pa
Ingatan natin at huwag sirain pa
Pagkat pag Kanyang binawi tayo’y mawawalan pa.


Ilang Mag-aaral: Naku! Paano na ang magiging mga anak natin?

Bb. Maliksi: Talagang nakatatakot dahil kapag ang kalikasan ang gumanti, tiyak na talo ang tao. Maging ang pinakamodernong makinarya ay hindi kayang hadlangan ang bangis ng kalikasan.

kaya nga, ano ang dapat gawi ninyong mga kabataan? Mag-isip kayo bago mahuli ang lahat.

No comments:

Post a Comment